Published on March 21, 2020 in Altermidya.ne
Ito ay bilang reaksyon sa pahayag ng World Health Organization na iwasan muna ang paggamit ng ibuprofen bilang panggamot sa mga sintomas ng COVID-19. Hindi lang ibuprofen ang dapat iwasan kundi lahat ng sintetikong gamot na katulad ng ibuprofen, kabilang na ang paracetamol o acetaminophen.
Ito’y dahil ang lagnat ay isang natural na tugon pang-depensa laban sa mga sakit na nakakahawa. Ang lagnat ay isang napakatagal nang ebolusyonaryong mekanismo ng pagpapanatiling-buhay (survival) na nailalagay sa panganib ng mga sintetikong gamot laban sa lagnat.
Ang lagnat ay nagpapasigla ng pansarili at akmang tugon ng immune system o resistansya ng isang taong maysakit. Kabilang dito ang pagpapakilos at mobilisasyon ng mga selulang pangdepensa at katutubong kemikal sa katawan ng taong maysakit, upang gampanan ang samu’t saring gawaing nagpapagaling tungo sa pagpapanumbalik ng dating kalagayan ng kalusugan at ng pagkakabagay (harmony) sa kanyang kapaligiran.
Ang paggamit ng mga gamot laban sa lagnat ay maaaring magparami ng mga namamatay sa mga populasyon ng tao na may viral infection (1) at may masamang epekto sa mga pasyenteng nasa malubhang kalagayan sa ICU (2). Iba’t ibang uri ng NSAIDs (hal. ibuprofen) ay naipakitang pumipigil sa produksyon ng mga antibody (protinang panlaban sa virus) sa mga selula ng tao (3). Ang aspirin, acetaminophen at ibuprofen ay naipakita rin na sumasagka sa gawaing panlaban sa virus ng immune system at naiimpluwensyahan ang pagpapalabas ng virus (sa selula) sa mga taong may impeksyon ng rhinovirus (4).
Sa aking opinyon, sa karamihan ng kaso ng mga sakit-nakakahawa, kabilang na ang COVID-19, hindi dapat pakialaman ang lagnat maliban na lang kung lalabis ito ng 40 C. Ang matandang kagawiang madalas at masigasig na pagpunas-punas ng maligamgam na tubig at pag-inom ng sapat na inumin (tubig, sabaw, kalamansi juice, atbp.) ay siya pa ring pinakamainam na pag-aalaga sa may lagnat.
Angkop na nutrisyon, sapat na bentilasyon at iba pang suportang pangangalaga ay dapat ding gawin. Pagbibigay ng bitamina (hal. mataas na dosis ng Vitamin C) at mga mineral (hal. zinc, magnesium) ay maaring makatulong. Ang tradisyunal na pamamaraang medisina (hal. herbal medicines) ay maaari ring makatulong.
Kung masyadong mataas (higit 40 C) at nagtatagal ang lagnat sa kabila ng pangangalagang konserbatibo, maaari ang maingat at angkop na paggamit ng gamot na pampababa ng lagnat, depende sa kalagayan ng pasyente, lalo na kung mayroong deliryo, labis na pagkabalisa, o hindi makatulog.
Mga sangguniang babasahin:
(1) Population-level effects of suppressing fever. Earn DJ, Andrews PW, Bolker BM. Proc Biol Sci. 2014 Jan 22;281(1778):20132570. doi: 10.1098/rspb.2013.2570. PMID: 24452021.
(2) The effect of antipyretic therapy upon outcomes in critically ill patients: a randomized, prospective study. Schulman CI, Namias N, Doherty J, Manning RJ, Li P, Elhaddad A, Lasko D, Amortegui J, Dy CJ, Dlugasch L, Baracco G, Cohn SM. Surg Infect (Larchmt). 2005 Winter;6(4):369-75.
(3) Ibuprofen and other widely used non-steroidal anti-inflammatory drugs inhibit antibody production in human cells. Bancos S1, Bernard MP, Topham DJ, Phipps RP.Cell Immunol. 2009;258(1):18-28. doi: 10.1016/j.cellimm.2009.03.007. Epub 2009 Apr 5.
(4) Adverse effects of aspirin, acetaminophen, and ibuprofen on immune function, viral shedding, and clinical status in rhinovirus-infected volunteers. N. M. H. Graham, C. J. Burrell, R. M. Douglas, P. Debelle, and L. Davies, The Journal of Infectious Diseases, vol. 162, no. 6, pp. 1277–1282, 1990.