Ang sentido kumon ay likas na talino ng tao na makita ang katotohanan sa kabila ng kurtina ng pagpapanggap at kasinungalingan. Hindi ito bulag na pagtanggap sa itinatakda ng gobyerno o sa sinasabi ng mga “edukado” at “eksperto.” Ito ay likas na kakayahang magsuri at kumilos nang malaya bunga ng sariling pagtatasa at kapasyahan. Ang doktrina o nakintal na paniniwala ay maaaring nabubuo ng manipulasyon subali’t hindi ang sentido kumon. Ang sentido kumon ay nabubuo ng malayang kaisipan at matalas na katwiran. Hindi ito bulag na pagsunod sa kesehodang diktador, sa relihiyon o tradisyon, kundi ito ay mapagpalayang pagkamulat dahil sa maingat na obserbasyon, analisis at intuwisyon. Ang sentido kumon ay bunga ng tumpak na paggagap sa realidad at angkop na praktika.

Sa pandemyang Covid-19 (sakit na dulot ng SARS CoV2 virus), ang nawawala ay hindi lamang ang pang-amoy ng ilong, kundi pati na rin ang sentido kumon. Ito ay malinaw na nakikita sa kwento ng bakuna. Ang pinakamalalang naapektuhan ay ang mga nasa istruktura ng kapangyarihan ng gobyerno na namamahala sa pagtugon sa pandemya, ang mga opisyal ng kagawaran ng kalusugan at mga “eksperto” nito, at ang mga mamamahayag sa namamayaning midya.

Sabi nila, ang bakuna lang daw ang makapagliligtas sa atin sa pandemya. Mabisa raw ito at ligtas, ayon sa mga sinasabi ng mga kumpanyang nagbebenta nito at ayon na rin sa mga “eksperto”. Ganito rin ang sinasabi ng mga ekspertong internasyunal, bansang America, WHO (World Health Organization) at iba pa. Ang mga bakuna raw laban sa Covid-19 ay napag-aralang  mabuti at napatunayang mabisa at ligtas para sa tao. Mataas daw ang kalidad ng mga bakuna dahil sa makabago ang teknolohiya sa paggawa nito.

Pero teka muna, hindi ba’t ganyan din ang sinabi nila sa bakunang Dengvaxia? Minadali ang pagbabakuna sa mahigit 800,000 Pilipino, karamihan ay mga bata. Ano ang nangyari? Marami ang nadisgrasya! Ayon sa kasong kriminal na isinampa laban sa kumpanya at mga tinukoy na responsableng mga indibiduwal, 155 katao na ang naitalang namatay dahil sa Dengvaxia (1). Hindi pa matiyak kung gaano karami pa ang napinsala dahil wala namang maayos na pagsubaybay ang isinagawa ng gobyerno sa mga nabakunahan. Malamang na mas marami pa ang lilitaw na napipinsala dahil malinaw sa siyentipikong kaalaman na marami ang masamang epekto ang maaaring maidulot ng bakunang “genetically engineered” tulad ng Dengvaxia pero hindi madaling makita, lalo na sa pangmatagalan. Nanaig ang impluwensiya ng Big Pharma. Ang naging resulta ay disgrasya! At hindi pa nga tapos ang usaping Dengvaxia, eto na naman, ligtas daw at mabisa ang mga bakunang Covid-19.

Busisiin nga natin ang kwento kaugnay sa mga bakunang ito. Ang mga pangunahing bakuna laban sa Covid-19 ay Moderna, Pfizer, Astra-Zeneca (A-Z) at Johnson and Johnson (J&J). Ito ang mga makabagong bakuna na sinabi nila na gumamit ng abanteng teknolohiya. Ang Moderna at Pfizer ay gumamit ng messenger RNA (mRNA), isang elemento ng selula na tagadala ng impormasyon para sa salinlahi. Sa pamamagitan ng genetic engineering (GE), lumikha sila ng mRNA na mag-uutos sa selula sa katawan ng nabakunahan na gumawa ng isang sangkap ng SARS CoV2 virus na ang tawag ay “spike protein antigen” upang pukawin ang sistemang depensa ng nabakunahan para gumawa ng “antibodies” na papatay sa virus kung sakaling sa hinaharap ay malantad ang nabakunahan sa Covid-19 virus. Ang A-Z at J&J na bakuna (pati na rin ang Sputnik V ng Gamaleya) ay gumamit naman ng piraso ng adenovirus (hindi covid virus) na siyang tagadala ng spike protein ng SARS CoV2 virus na pupukaw sa sistemang immune na gumawa ng “antibodies” na papatay sa virus. Ginamitan din ng teknolohiyang GE ang mga bakunang ito.

Okey, pwede nga naman sa teorya at naipakita naman sa ilang naunang pag-aaral. Pero ang mga bakunang ito ay hindi pa nasubukan sa malawakang pagbabakuna sa tao. Minadali nila ang pagbabakuna kahit kulang na kulang pa ang pag-testing.  Ni hindi pa nga na-tetesting sa hayop. Dapat ay kumpleto muna ang pag-testing sa hayop bago isagawa ang pag-testing sa tao, isang prosesong naaayon sa etika tulad ng itinatakda ng batas internasyunal sa karapatang pantao. Na-shortcut ang proseso. Maging yung isinagawang “clinical trial”, o pag-testing sa tao ng mga kumpanya ay minadali. Hindi pa nga nasusuri ng  independienteng mga eksperto ang detalyadong datos ng resulta ng pag-testing ay ginamit na ang bakuna sa milyon-milyong tao dahil nabigyan ng pahintulot ng mga gobyerno sa pamamagitan ng “Emergency Use Authority” (EUA). Ang mga bakunang nabigyan ng EUA ay nasa yugtong experimental pa lamang kaya malinaw na ibig sabihin nito ay ang mga nabakunahan at babakunahan pa ay bahagi ng isang malawakang eksperimento o pag-testing sa sangkatauhan. Sentido kumon lang, di ba?

Ano nga ba ang mga masasamang epekto na maaaring maidulot ng mga bakunang Covid-19?

Sa loob lamang ng 3 buwan at kalahati simula nang malawakang pagbabakuna (hanggang April 1, 2021), meron nang opisyal na naitala na 56,869 na mga nabakunahan sa US ang tinamaan ng masamang epekto, kabilang na ang 2,342 na namatay, 941 na permanenteng napinsala, at 4,961 na na-ospital.(2) Maliit na bahagi lamang ang mga datos na ito sa tunay na kalagayan dahil kulang pa sa 1 porsiyento ng totoong mga pangyayari ang opisyal na nai-tatala, ayon sa isang pag-aaral.(3) Nakita ang mas masahol na kalagayan sa isang masinop na pag-aaral na isinagawa ng mga independienteng siyentista sa Israel kung saan napag-alaman na 200 sa bawa’t 100,000 nabakunahan na higit sa 65 taong gulang ang namatay pagkatapos ang unang turok ng bakuna sa loob lamang ng 3 linggo samantalang ang namamatay sa ganitong edad na hindi nabakunahan ay 5 lamang sa bawa’t 100,000.(4) Ang mga nabanggit na datos ay maliit na bahagi lamang ng hindi pa lumilitaw na buong katotohanan sa masamang epekto ng mga bakunang covid sa buong mundo. Ito ay malinaw na babala sa sangkatauhan na ang ipinapatupad na malawakang pagbabakuna ay mas lalo pang magdudulot ng matinding disgrasya na maaaring lumipol sa malaking bahagi ng populasyon ng mundo.

Ang lahat ng mga bakunang covid (Moderna, Pfizer, Astra-Zeneca, J&J, Sinovac, Sputnik, Novavax at iba pa) ay malamang na magreresulta sa paglaganap ng mas higit pang nakahahawa at nakamamatay na Covid-19 virus. Hindi kataka-taka ang ganitong paglala ng sitwasyon sa pandemyang Covid-19 dahil nakita na ang mga kahalintulad na pangyayari sa kasaysayan ng mga bakuna. Halimbawa, noong ipinatupad ang malawakang pagbabakuna sa polio, lumitaw at lumaganap ang mas matinding “variant” ng polio virus nagresulta sa mas matinding epidemya ng polio sa bansang Congo noong taong 2010-2011.(5) Tulad din ng paglitaw at paglaganap ng mga matitinding mikrobyo na hindi na tinatalaban ng mga antibayotiko dahil sa malawakan at hindi makatwirang paggamit ng mga antibayotiko sa mundo, ang paglitaw at paglaganap ng mga “variants” ng covid-19 virus na mas nakahahawa at mas matindi ay nangyayari na dahil sa malawakan at hindi makatwirang paggamit ng mga bakunang covid-19. Naipakita at naipaliwanag na sa mga siyentipikong pag-aaral ang ganitong pangyayari. Sinusupil ng bakuna ang natural na elemento (yung tinatawag na “natural killer cells”) ng resistansya ng tao na mas mabisang lumilipol sa kahit anumang klase ng mikrobyo na nakapasok na sa mga selula ng katawan. Ang bakuna ay umaasa lamang sa pagpukaw ng mga “antibodies” na elemento rin ng resistansya ng tao pero nakatuon lamang sa iisang uri o “variant” ng mikrobyo na nasa labas ng selula. Hindi mabisa ang “antibodies” sa pagpatay sa covid-19 virus na nasa loob na ng selula. Dahil ang mga “antibodies” na pinukaw ng bakuna ay pinalakas sa artipisyal na pamamaraan, sinusupil nito ang kakayahan ng “natural killer cells” at sa malao’t madali, lumalaki ang tsansa na lumitaw ang mas matinding “variants” at lalong dumarami ang virus na lumalabas sa selula at naikakalat ng taong may Covid. (6)

Marami pang mga karagdagang masasamang epekto ang maaaring mangyari dulot ng mga bakunang covid, lalo na yung mga genetically engineered na “experimental” na bakuna. Isa na rito ang labis-labis na istimulasyon ng “antibodies” at pagkasira ng sistemang immune o natural na resistansya, implamasyon, reaksyong allergic (kabilang na ang “anaphylaxis” na nakamamatay), pamumuo ng dugo  at pagkaubos ng “platelets” (“thrombo-embolic disease” na nakamamatay din at madalas nang mangyari ngayon sa mga nabakunahan), “auto-immunity” (kabilang na ang maraming matagalang sakit tulad ng lupus, diabetes, rayuma, malalang pagka-ulyanin at mga nakaka-paralisa na mga sakit), sakit sa bato, baga, puso, kanser, at marami pang iba.(7,8,9)

Ang paggamit ng teknolohiyang GE ay maaaring magpabilis din ng paglitaw ng mga higit na mapanganib na “variants” o “mutants” na virus, nananatili o nakatagong impeksiyon, at marami pang ibang masamang pangyayari dahil sa pang-iistorbo na ginagawa ng istrangherong piraso ng “genes” sa natural na pagkakaugnay-ugnay ng mga “genes” na nagtatakda ng maraming normal na kilos ng sistemang bayolohikal.(10) Ang pang-iistorbong ito ay kahalintulad ng pagkasira sa musika ng isang orkestra na dahil isang miron na hindi naman miembro ng orkestra ay biglang sisingit na may sariling instrumento na kakaiba ang tunog.

Partikular naman sa bakunang Sinovac, sinasabi nila na bagama’t hindi kasing-epektibo ito ng makabagong mga bakuna, mas ligtas naman daw ito dahil ang ginamit ay yung “inactivated or killed virus” o pinatay na virus, na dati nang teknolohiya at may karanasan na ang tao sa ganito. Totoo marahil na mas delikado ang mga makabago at genetically engineered na mga bakuna tulad ng mRNA at adenoviral vaccines subali’t marami ring mga dagdag na panganib ang mga “killed vaccines” tulad ng Sinovac. Sa proseso ng paggawa ng “killed vaccines”, pinaparami muna ang virus sa “cell culture” na gamit karaniwan ang “Vero cells” o selulang kanser na di namamatay (“immortal”) na mula sa kidney ng unggoy sa Africa . Mas maraming mutasyon (“mutation”) ang nangyayari sa Vero cells at mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng rekombinasyong genetic na maaaring makalikha ng bagong mga delikadong virus o mga sakit tulad ng pagkasira ng sistemang immune o kanser. Ang ganitong proseso ay kadalasan ay kontaminado ng samut-saring piraso ng genes at iba pang mga elemento na maaaring makasanhi rin ng kanser at iba pang mga sakit. Ginagamitan din ang ganitong uri ng bakuna ng aluminum, isang “adjuvant” na nagpapalakas sa istimulasyon sa sistemang immune na gumawa ng antibodies subali’t malakas ding makalason sa tao, lalo na sa utak at sistemang nervous. Maaaring may kontaminasyon din galing sa iba pang bayolohikal at iba pang materyales tulad ng tisyu, dugo, serum, endotoxins, nanometals (lead, chromium, iron, etc),  at iba pa.(11) Bukod dito, yung kemikal na ginamit para patayin ang Covid-19 virus ay ang beta-propiolactone, isang nakakakanser na kemikal.(12) Hindi rin sigurado na sa lahat ng pagkakataon ay walang natitirang buhay na virus sa bakuna sa kabila ng mahigpit na pagkontrol sa kalidad at pagsunod sa “Good Manufacturing Practices”.

Sabi nila ay walang dapat ipag-alala, ligtas daw ang mga bakuna. Tunghayan nga natin ang ilan pang mga bagay-bagay na hindi nila sinasabi. Noon pa man kasi, meron na akong naaamoy na baho sa kwento ng bakuna.

Unang sinubukang gumawa ng mga bakuna laban sa covid noong nagkaroon ng pandemyang SARS-CoV1 noong 2002-2003. Subali’t hindi naging matagumpay ang mga kumpanya na makagawa kaagad ng mga bakuna hanggang sa humupa na lang kusa ang pandemya at nawalan na ng interes ang mga kumpanya sa bakuna dahil wala nang bibili sa kanilang ibebenta kung sakali. Ang pangunahing dahilan sa pagkabigo na makagawa agad ng bakuna noong mga panahong yaon ay dahil sa nakitang mga masasamang epekto ng bakuna sa mga tinesting na mga hayop na nagpapakita ng malubhang panganib kung ipagpapatuloy ang malawakang pagbabakuna sa tao. Subali’t simula noong bandang 2012, nang sumulpot naman ang pandemya MERS-CoV (Middle East Respiratory Syndrome-Coronavirus), nagkaroon ng matinding interes ang mga kumpanyang Moderna, Pfizer at Astra-Zeneca sa paggawa ng bakuna laban sa covid. Ito rin ang panahon na nagkaroon ng masigasig at sikretong mga pananaliksik sa coronavirus sa ilalaim ng programang biowarfare ng US na kinasangkutan ng NIH (National Institutes of Health), NIAID (National Institute of Allergy and Infectious Diseases) at maging ang Wuhan Institute of Virology sa China. Sa pamamagitan ng teknolohiyang GE, lumikha sila ng mga coronavirus na mas higit na nakahahawa at nakamamatay. Ang layunin daw ay upang mas makapaghanda sila ng bakuna laban sa covid sakaling may teroristang atake na ang gamit ay “bioweapon” o sandatang bayolohikal. Noon pa man ay marami na ang nagbabala na itigil ang ganitong uri ng pananaliksik na tinawag na “gain-of-function” (pagdagdag ng kakayahan) dahil ito’y lubhang mapanganib at maaaring magresulta sa matinding pandemya. Noong 2015, naglabas ng utos ang gobyerno ng US na itigil ang “gain-of-function research” dahil nga sa pangamba na ang nililikha nilang virus ay baka lumundag sa tao at magresulta sa isang matinding pandemya. Subali’t hindi naman natigil ang sikretong gawain ng programang biowarfare at pinondohan pa nila ang “gain-of-function research” sa Wuhan, China. Noong 2019, binawi ng US ang utos na itigil ang “gain-of-function research”. Samantala, noong 2017, sinabi ni Dr. Fauci (direktor ng NIAID) na walang duda, masosorpresa si Donald Trump ng isang pandemya ng sakit na nakahahawa. 

Noon namang 2018, sa isang internasyunal na miting, sinabi ni Bill Gates (pangalawang pinakamayaman sa mundo) na ang sakit na sosorpresa sa mundo ay malamang na hindi pa dating nakikita tulad ng SARS at MERS at maaaring pumatay ng 30 milyong tao. At noong Oktubre, 2019, ilang buwan lamang bago lumitaw ang pandemyang Covid-19, nag-organisa ang Bill Gates Foundation ng pagpupulong ng mga prominenteng tao sa gobyerno, institusyong global, pampublikong kalusugan, at malalaking negosyo (kabilang ang kumpanya ng bakuna) at nagsagawa sila ng  simulasyon ng isang kunwari’y magaganap na pandemyang covid. Nagpraktis sila kung ano ang mga gagawin sakaling mangyari ang pandemyang ito.(13) Tapos, nang mangyari na nga ang pandemyang Covid-19, nakahanda na ang mga kumpanya ng bakuna sa paggawa ng mga bakunang Covid-19 at nagamit pa nila ang pampublikong pondo sa kanilang pamumuhunan. Nakumbinsi o nabraso pa nila ang mga gobyerno sa buong mundo na pumirma sa sikretong kontrata na kung sakaling may mapipinsala o mamamatay dahil sa bakunang produkto nila, ay walang pananagutan ang kumpanya at ang gobyerno na ang bahala sa bayad pinsala. Malinaw na alam ng mga kumpanya ng bakuna at mga kakutsaba nila na magkakaroon ng matinding pandemya at naghanda na sila sa paggawa ng mga bakuna na ilalako nila at pagkakakitaan ng malaki. Ito ba ay haka-haka lamang o katotohanan? Gamitin ang sentido kumon upang malaman ang katotohanan. 

Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang mga dambuhalang korporasyon na nagbebenta ng mga bakuna ang pangunahing makikinabang sa mga bakunang covid at ginagawa nila ang lahat ng paraan upang magkamal ng salapi. Sila ay may rekord na mga gawaing kriminal: panlilinlang at labag sa etika na mga pag-testing ng bakuna at gamot sa tao, panunuhol sa gobyerno at mga doktor, pag-iwas sa buwis, pag-monopolyo at sobra-sobrang pagkamal ng tubo. Ang panganib na dulot ng pagbibigay laya sa mga korporasyong ito na maka-impluensya sa mga patakaran sa pagtugon sa pandemyang Covid-19 ay malinaw. Ang maniwala sa mga resulta ng mga pag-aaral at “clinical trials” na gawa mismo ng mga korporasyong ito na nagsasabing ligtas at mabisa ang mga bakunang Covid-19 ay isang kahangalan at naglalagay sa matinding panganib sa mga mamamayan. Ang malawakang pagbabakuna ng “experimental vaccines” at hindi pagsisiwalat ng katotohanan sa panganib na dulot ng mga bakunang ito ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao at maituturing na isang malubhang krimen sa sangkatauhan. Kung hindi nawawala ang sentido kumon, madaling maamoy at makita ang mga katotohanang ito.

Bibliograpiya:

  1. Dengvaxia Criminal case update (Mar 3, 2021) https://www.facebook.com/attyerwinerfe/
  2. VAERS_040121_56,869_CovidVaccine ADRs https://www.medalerts.org/vaersdb/findfield.phpTABLE=ON&GROUP1=CAT&EVENTS=ON&VAX=COVID19
  3. Safety monitoring_Adverse Events from Vaccines https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/26209838/
  4. Pfizer Vaccine Killed About 40 Times More Elderly in Israel https://archive.is/P7UBT
  5. Patel, M.K. et al., An Outbreak of Wild Poliovirus in the Republicof Congo, 2010–2011. CID, 2012:55 (15 November). https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/22911642/
  6. Geert-vanden-Bossche-manuscript-Feb-26-2021-2 https://dryburgh.com/wp-content/uploads/2021/03/Geert-vanden-Bossche-manuscript-Feb-26-2021-2.pdf
  7. mRNA vaccines – a new era in vaccinology https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/29326426/
  8. Components of mRNA Technology “Could Lead to Significant Adverse Events in One or More of Our Clinical Trials” https://childrenshealthdefense.org/news/components-of-mrna-technology-could-lead-to-significant-adverse-events-in-one-or-more-of-our-clinical-trials-says-moderna/
  9. Lipid Nanoparticles Entails a Biphasic Humoral Response https://www.immunohorizons.org/content/3/7/282
  10. Use of Genetically Modified Viruses and Genetically Engineered Virus-vector Vaccines: Environmental Effects. https://www.tandfonline.com/doi/abs/10.1080/15287390600751405scroll=top&needAccess=true&journalCode=uteh20)
  11. Vaccine Contamination-Mcrearden https://www.scribd.com/document/42722540/Vaccine-Contamination-Mcrearden
  12. Investigating Viruses in Cells Used to Make Vaccines_USFDA. https://www.fda.gov/vaccines-blood-biologics/biologics-research-projects/investigating-viruses-cells-used-make-vaccines-and-evaluating-potential-threat-posed-transmission
  13. Covid-19-militarism-and-big-money-trampling-humanity https://www.bulatlat.com/2021/04/09/opinion-covid-19-militarism-and-big-money-trampling-humanity/?fbclid=IwAR1iuStUuZLwgxswkFkHiCjdYssuOAAZslY699D6N0ANk2K4ycHD8_SaOk

Romeo F. Quijano MD is a retired professor of the Dept. of Pharmacology & Toxicology, College of Medicine, University of the Philippines Manila. He is a lifelong health and environmental activist.