Talumpati ni Dr. Romeo F. Quijano sa SMU Highschool “Alumni Homecoming” noong ika-30 ng Disyembre, 2016

Mapagpalayang araw po sa ating lahat! Makasaysayan po ang araw na ito sapagka’t sa araw ding ito, ika-30 ng Disyembre, 1896, ay nagbuwis ng buhay si Gat Jose Rizal para sa Bayan. Nawa’y tuluyan nang makamit ng sambayanan ang tunay na kalayaan. 

Malaking karangalan po sa akin ang mabigyan ng pagkakataon na makapagsalita sa harap ninyo kaugnay sa pagdiriwang ng Pagbabalik ng Mga Nagsipagtapos o “Alumni Homecoming”. Taos-pusong pasasalamat po sa mga nagbigay sa akin ng pagkakataong ito. Marahil inaasahan po nila na ako ay makapagbibigay ng siglang-diwa o inspirasyon sa mga nakikinig ngayon. Sana nga po. Subali’t ang siglang-diwa o inspirasyon ay higit na mabisa kung nanggagaling sa kolektibong mga pagpapahalaga at mga saloobin.  Ang tanging magagawa ko lamang ay ikuwento ang ilan sa aking mga naging tampok na karanasan sa nakaraang 50 taon makalipas ang pagtatapos sa hayskul noong 1966. Marahil makahuhugot tayo ng mga leksiyon na maaaring matutunan sa mga karanasang ito.

Pagkatapos ng hayskul, napagpasyahan ko na gusto kong maging doktor kaya’t nag-enrol ako sa kursong BS Pre-Med sa UP Diliman, ang sinasabing pangunahing pamantasan ng Pilipinas at tagapagtaguyod ng edukasyong liberal, kalayaang akademiko, karapatan sa malayang pagpapahayag, at kamalayang makabayan. Nakita ko ang aktibong pakikisangkot ng mga estudyante ng UP sa mga usaping tulad ng  Vietnam War, Base Militar at pagiging palasunod ng Pilipinas sa US. Nakilahok ako sa mga “Discussion Gropus” o DGs tungkol sa kalagayan ng lipunang Pilipino. Naging makahulugan ang pagtira ko sa boarding house na barong-barong dahil naranasan ko ang mamuhay nang sagad-tipid at makita ang paghihikahos ng aking mga boardmates na galing probinsiya. Lagi na lang wala silang pambayad sa boarding house (kahit P8 lang isang buwan kumpara sa P50 sa dorm), walang pamasahe at walang pambayad sa mumurahing karinderia (kahit wala pang piso ang tanghalian noon). Para kaming mga gagamba sa bahay posporo. Maliliit na kuarto-kuarto, ang higaan ay teheras ng barko at ang sahig ay sa lupa diretso. Kulang din sa panustos ang aking mga magulang subali’t dahil nagnenegosyo ako noon ng buy-n-sell habang ako’y nag-aaral (samut-saring galing Muslim Mindanao ang ibinebenta ko noon: kris, dagger, brasswares, malong, banig, atb.), hindi ako nagkukulang sa gastusin at nakapag-pa-pautang pa ako sa aking mga kaibigan at sa karinderia na kinakainan namin (hindi na nga ako nabayaran). 

Sumasali ako noon sa mga kilos protesta ng mga estudyante, kabilang na ang demonstrasyon laban sa pagpapadala ng mga sundalong Pilipino sa giyera ng US sa Vietnam. Sumapi ako sa Sanduguang Kayumanggi o SK, isang makabayang organisasyon na nagtataguyod ng kulturang Pilipino at may panunumpang “Ang Bayan ay Kailangang Daluhan”.  Naging tampok din sa mga kilos protesta noon ang ipaglaban ang karapatan ng mga estudyante sa edukasyon,  pagtutol sa pagtaas ng tuition fee, pagpapaayos ng mga pasilidad, at iba pang usaping pang-estudyante. Binatikos din namin ang lumalalang kahirapan ng mamamayan sa kabila ng pagpapasasa ng kayamanan ng iilan, ang mababang sahod at di-makataong kondisyon ng mga manggagawa, ang korapsiyon at pagsasamantala ng mga opisyal ng gobyerno, at iba pang usaping panlipunan.  Lalong tumindi ang mga protesta nang magkaroon ng malakihang debalwasyon ng piso kontra dolyar at biglaang pagtaas ng presyo ng mga bilihin pagkatapos ng lubhang magastos at ma-anomalyang eleksiyon noong 1969. Sumiklab ang tinatawag na Unang Sigwa o  “First Quarter Storm”, sunod-sunod na malakihang mga demonstrasyon laban sa rehimeng Marcos noong unang tatlong buwan ng 1970 na pinamunuan ng mga estudyante at nilahukan din ang mga manggagawa, maralitang tagalunsod, at iba pang mga sektor. Lumahok din ang ilang estudyante ng medisina, kasama na ako na noo’y nasa Kolehiyo na ng Medisina sa U.P. Manila. Naging magulo at madugo ang ilan sa mga kilos protestang ito,  at marami ang nasugatan sa mga nag-rali, karamihan ay dahil sa pukpok ng truncheon. May ilan ang namatay sa putok ng baril ng mga pulis. Masuerte ako,  tear gas lamang ang aking naranasan, marahil dahil mabilis akong nakakatakbo kapag nambabatuta na ang mga pulis. Noong 1971, nagpatuloy ang mga protesta; laban sa police brutality, sa pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin, sa talamak na korapsiyon at gayundin sa malakolonyal at mala-piyudal sa kalagayan ng Pilipinas. Nagbarikada ang mga estudyante ng U.P. Diliman, suportado ng ilang mga guro at mga manggagawa. Inokupa ang mga gusali at nagproklama ng tinawag na “Diliman Commune”. Inokupa rin ang istasyon ng radyo ng U.P. Diliman at ibrinodkast ang umano’y pakikipagtalik ni Marcos sa kanyang kalaguyo na si Dovie Beams, na nabisto naman daw ni Imelda. Lumahok din ang grupo namin sa Kolehiyo ng Medisina sa Diliman Commune at naranasan ko ang makipagharapan sa mga pulis na walang pakundangan sa pagpapaputok ng baril sa kanilang pagtatangka na buwagin ang barikada ng mga estudyante. Nakita ko pa ang isang kaibigan kong pulis na madalas bumili sa aking mga ibinebenta galing Mindanao at sinisigawan ako ng “Umalis ka Diyan! Umalis ka Diyan!” Masuwerte na naman ako dahil hindi ako tinamaan ng bala.  Marami pang kilos protesta ang sumunod pagkatapos ng Diliman Commune. Dumami ang mga “teach-ins” at dumami ang mga aktibista, hindi lamang mga estudyante, kundi mga guro, manggagawa, maralitang tagalunsod at mga pesante. Sa Kolehiyo ng Medisina ng U.P. Manila, naitatag ang isang Makabayang Kilusang Medikal at isa ako sa mga unang miembro. Halos linggo-linggo ay mayroon kaming isinasagawang “teach-in” – pag-aaral sa kasaysayan ng Pilipinas, tungkol sa mga batayang problema ng lipunang Pilipino at iba pang makabayang mga aralin. Lumaganap ang kamalayang pampulitika sa maraming sektor dahil na rin sa marahas na panunupil sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan at dahil sa lantarang pang-aabuso sa kapangyarihan.  Lalong umigting ang sitwasyon nang pinasabugan ng granada ang miting de abanse ng Partido Liberal sa Plaza Miranda noong Agosto, 1971 at marami ang namatay at nasugatan.  Ginawang dahilan ito upang suspindihin ang “Writ of Habeas Corpus” hanggang sa ideklara na nga ang Martial Law noong Septiembre 23, 1972.  Marami sa aking mga kaibigang aktibista ay ikinulong at tinortyur, kabilang na ang mga boardmates ko sa UP Diliman na miembro ng Kabataang Makabayan .  Marami ang nag-underground at yung iba ay sumapi sa nagsisimula pa lamang na NPA o New People’s Army, kabilang na ang ilan kong mga kasamahang aktibista sa UP College of Medicine. Karamihan sa amin sa Makabayang Kilusang Medikal ay hindi naman namundok subali’t nanatili kaming aktibista at patuloy na nagsagawa at lumahok sa mga malikhaing kilos protesta laban sa Martial Law, katulad ng tinawag naming “OP-OD” o Operation Pinta-Operation Dikit, pagpipinta ng mga panawagan at pagdidikit ng papel laban sa Batas Militar. Ang isa sa mga paborito kong dikitan ay ang mga toilet, sigurado kasi na makikita nang malapitan yung papel. Ilan sa mga aktibista na nag-OP-OD sa mga pader ay nahuli at natortyur, at yung iba, pinatay pa. Katulad ng dati, masuerte ako dahil hindi ako nahuli. Nang umigting na ang labanan ng militar at NPA sa kanayunan, nagsimula akong matawag o kaya madalhan ng mga pasyenteng NPA na sugatan o kaya ay may sakit, kahit hindi pa ako gradweyt sa kursong medisina. Siempre pa, tulad ng napapanood sa sine, sikreto at pasalin-salin ang mga tagpuan namin. Nang sumiklab ang welga ng mga manggagawa sa Artex sa Malabon at sapilitang binuwag ng mga pulis ang piketlayn, nagsagawa ang aming medical team ng mabilisan at ala-pelikula na “rescue operation” sa mga manggagawa na binabatuta, hinahabol at pinapaputukan. Kompleto ang eksena sa habulan, may paglundag sa mga pader sa pagitan ng mga bahayan, paglusot-lusot sa mga eskinita at may tumbling pa! Masuerte na naman ako, hindi kami nahuli at nailigtas namin ang humigit-kumulang sa walo sa mga sugatang manggagawa subali’t 2 and patay.

Hindi naman ganyan ka-peligro palagi ang buhay ko sa Kolehiyo ng Medisina. Katulad ng iba pang estudyante, nag-aaral din ako siempre para makapasa sa mga exam, sumasama sa mga laro ng bowling, chess at card games, at nakikipag-date sa gelpren. At para matustusan ko ang aking gastusin, nag-ahente ako sa Himlayang Pilipino at tulad noong estudyante ako sa UP Diliman, nag-buy-n-sell uli ako ng kung ano-ano. Pati mga titser ko sa medisina, inalok ko ng lote ng Himlayan. Iba-iba ang naging reaksiyon nila. Yung isa, pinagalitan ako dahil bakit daw nagbebenta ako ng lote ng patay eh mag-do-doktor ako, yung isa naman, ni hindi ako pinapasok sa gate, itinaboy ako at sumigaw ng: “Why, you want me dead?” Yung isa naman, pagkatapos bumili sa akin, eh, namatay naman ang anak niya! 

Sa kabila ng aking aktibismo at pagbebenta ng lote ng patay, nag-gradweyt naman ako sa UP College of Medicine. Pinili kong madestino sa Malitbog, Bukidnon, isa sa mga malayong komunidad na hindi naaabot ng serbisyo ng doktor. Tinataya noon na 60% ng mga komunidad ay walang doktor. Nagsilbi akong Acting Municipal Health Officer doon.  Naipaayos ko ang health center, pati na ang patubig nito, at nakahingi ako ng dagdag na suplay-medikal mula sa gobyernong probinsyal at mga donasyon mula sa ilang organisasyong sibiko. Naipatupad ko ang mga elemento ng primary health care, feeding program at iba pang programa, at nakapag-organisa ako ng mga volunteer health workers sa bawat barangay at nabigyan sila ng training at mga gamit medikal. 

Pagkatapos ng paninilbihan sa Bukidnon nagtrabaho na ako bilang guro sa Kolehiyo ng Medisina ng UP, Departmento ng Parmakologi at Toksikologi at kaagad naman akong nabigyan ng postgraduate scholarship sa Bangkok. Ganunpaman, habang abala ako sa research sa Bangkok, nanatili pa rin ang aking pakikipagsulatan sa aking mga kasamang aktibistang doktor sa Pilipinas upang mabigyan ako ng mga balita. Naki-pag-ugnayan din ako sa mga aktibistang Thai at paminsan-minsan ay iniimbita nila akong magsalita tungkol sa pakikibaka laban sa Martial Law sa Pilipinas. Sumulat din ako ng artikulo para sa kanilang underground na pahayagan. Nakapanayam ko rin ang ilang aktibistang Karen mula sa Myanmar at aktibistang Tamil mula sa Sri Lanka. Regular ko ring nakakadiskusyon ang ilang dayuhang journalists. Marami akong natutunan sa tunay na mga pangyayari sa Asia at sa mundo na hindi karaniwang nababalita sa tinatawag na “mainstream media”. 

Subali’t noong Abril, 1982, natanggap ko ang malungkot na balita na pinatay si Dr. Bobby de la Paz sa kanyang klinika sa Samar. Inakusahan siya na isang NPA at malinaw na ang militar ang sangkot sa pagpaslang. Si Bobby ay kaibigan at kasamahan ko sa Makabayang Kilusang Medikal bagama’t nauna ako sa kanya ng 2 taon sa Kolehiyo. Siya ang masipag na nagpupunta sa akin noong ako’y intern sa Veterans Hospital upang kapanayamin ako tungkol sa mga gawain ng grupo namin at tungkol sa mga mahalagang mga pangyayari sa lipunan.  Lubhang ikinasama ng loob ko ang pagpaslang kay Bobby kaya’t ako’y bumalik agad sa Pilipinas  at napabayaan ko na ang oral defense sa aking nakumpleto nang thesis para sa PhD degree. Kaagad akong direktang nakilahok muli sa mga pagkilos laban sa Martial Law kasabay ng pagbalik ko sa pagtuturo sa Kolehiyo ng Medisina ng UP. Sumapi agad ako sa grupong human rights at aktibo akong nakilahok sa mga fact-finding at medical missions sa mga lugar ng militarisasyon, pagbisita sa mga detenidong pulitikal, pagsali sa rally, martsang bayan laban sa plantang nuklear, at iba pa.  Hanggang sa ako’y naging chairman ng grupong human rights sa sektor pangkalusugan at lalong naging masigasig ako sa pagtugon sa panawagan ng mga nabibiktima ng paglabag sa karapatang pantao. Naranasan ko ang makaharap sa checkpoint ang mga panatikong grupo na ginagamit ng militar para sa “counter-insurgency”, tulad ng tadtad at pulahan. Mahirap malaman kung aatras o magtutuloy sa checkpoint nila dahil hindi naman sila nagsasalita kahit kausapin sila. Nakatutok lang ang baril o nakahawak sa kanilang gulok. 

Lalo pang umigting ang malawakang protesta laban sa rehimeng Marcos nang paslangin si Ninoy Aquino noong 1983. Kasama kami sa tinatayang 2 milyong katao na lumahok sa libing ni Ninoy na naging malaking protesta laban sa rehimeng Marcos. Mabilis ding bumagsak ang ekonomya ng Pilipinas at dahil na rin sa pressure ng US, napilitan si Marcos na magtawag ng snap election. Sa puntong ito, inasahan ko na, na sa malao’t madali, malamang ay magkakagulo at hindi maiiwasan ang madugong pag-aalsa  laban sa diktadurang Marcos. Kaya nga kumuha na ako ng special insurance policy para kung saka-sakali na maubusan ako ng swerte, may maiiwan ako sa aking pamilya. At nangyari na nga ang “people power” o EDSA “revolution” nang hindi matanggap ng sambayanan ang huwad na panalo ni Marcos sa snap election. Nag-organisa kami ng medical team mula sa UP College of Medicine. Lubha akong nabahala noon dahil sa aking paniniwala ay magkakagulo talaga at sinabihan pa ako ng isang kaibigang senior faculty na malapit kay Marcos na may utos daw talaga na i-disperse ang mga nagtitipon na mga tao at bombahin ang pinagkukutaan nila Enrile kaya’t huwag na raw kaming tumuloy sa EDSA. Sagot ko naman:”Eh dapat po pala Sir, dagdagan pa namin ang medical team dahil siguradong marami ang madidisgrasya kung magkagayon nga.” Napailing na lamang si Sir. Sa kabutihang palad na naman, hindi naman naging madugo ang EDSA “revolution”, napatalsik ang rehimeng Marcos at naging Presidente si Cory Aquino. 

Kaagad kaming nagsumite sa bagong gobyerno ng mga rekomendasyon  sa isang makabayang programang pangkalusugan na tinagurian naming “Putting Health in the Hands of the People” o  “Ang Kalusugan sa Kamay ng Sambayanan” at hindi ang sistemang pangkalusugan na dikta ng Estados Unidos at kanluraning kaisipan, hindi ang industriya ng gamot na kontrolado ng mga dayuhang korporasyon, at hindi ang serbisyong pangkalusugan na nakaasa sa pribatisasyon. Hiniling namin sa bagong gobyerno na tahakin ang tunay na malayang mga patakaran, huwag kilalanin ang tiwali at mapagsamantalang utang panlabas, kumawala sa kontrol ng IMF-World Bank, at harapin ang tunay na ugat ng pangkalahatang problema ng lipunang Pilipino na malakolonyal at malapiyudal.  

Subali’t ang EDSA “revolution” ay hindi naman totoong rebolusyon kundi pagsasalin lamang ng gobyerno sa ibang paksyon ng oligarkiya. Nanatili pa rin ang kontrol ng US at ng mga malalaking negosyante at panginoong may-lupa at hindi nabago ang katangian ng pwersang militar na nagsisilbi sa kanila. Maging ang usapang pangkapayapaan sa NDF ay sinabotahe ng Mendiola massacre kung saan 21 ang napatay at mas marami pa ang nasugatan nang paputukan ng pulis at militar ang mga nagrarali na mga magsasaka at mga tagasuporta nila. Nauna na rito, pinaslang din ang mga lider ng mga ligal na organisasyong masa na si Rolando Olalia ng KMU at Lean Alejandro ng LFS. Maging ako at 2 pa sa mga kasama kong lider sa sektor pangkalusugan ay inakusahan ng militar sa diyaryo na mga NPA infiltrators daw kami sa mga ligal na organisasyon. Nagreklamo kami sa gobyernong Cory at nang magkaroon ng hearing, sinabi nila Gen. Abat at Fidel Ramos, na noo’y kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, na nakita raw ang mga pangalan at numero ng telepono namin sa notebook ng nahuli nilang NPA. Sagot ko naman, “Eh talaga namang malamang isulat nila yan dahil ipinamamalita namin na nagbibigay kami ng serbisyong medikal at ayuda sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, na karamihan ay inaakusahan na rebelde.  Sa pag-akusa ninyo sa amin sa media na NPA kami, ginagawa ninyo kaming target ng “salvaging” ng mga tauhan ninyong mga panatiko”. Pero wala ring nangyari pagkatapos ng hearing, hindi binawi ng militar ang kanilang akusasyon sa amin at, masuerte na naman ako, hindi rin naman kami naaresto o “sinalvage”. Nagpatuloy pa rin kami sa aming gawaing “human rights”.

Kaya’t sa kabila ng EDSA “revolution”, nagpatuloy ang pagpapasasa ng mayayaman sa gitna ng talamak na kahirapan ng sambayanan, nagpatuloy ang mga kilos protesta ng mga aktibista, at nagpatuloy ang mga paglabag sa mga karapatang pantao.  Lalong dumami ang aking mga fact-finding at medical missions sa mga militarized areas, pag-exhume at pag-autopsy sa mga biktima ng “salvaging” o extrajudicial killings, pagbisita sa detention centers, at iba pa. Pinakamatindi marahil ang  mga pangyayari sa Negros nang magdeklara ng “total war” laban sa mga NPA ang gobyerno ni Cory. Sa tinawag nilang “Operation Thunderbolt”, binomba ng militar ang mga baryong hinihinalang may mga NPA, nagsagawa ng food blockade at sapilitang tinipon ang mga residente sa mga eskwelahan na nagsilbing “refugee centers.” Nagsagawa kami ng medical missions at nasaksihan namin ang kalunos-lunos ang kalagayan ng mga apektadong mamamayan ng Negros. Tinatayang mahigit 30,000 ang mga bakwit at sa mga napuntahan namin, halos araw-araw ay may sampung bata ang namamatay dahil sa pagtatae, pulmonya at iba pa, dahil sa kakulangan ng tubig, pagkain, maruming paligid, at iba pa. Maraming kaso rin ng “salvaging” ng mga hinihinalang rebelde ang aking in-exhume at in-autopsy. May mga pinuntahan din kaming mga sibilyan na lumikas sa bundok dahil ayaw nilang pumunta sa refugee center. Sa gabi, palihim at walang ilaw ang paglalakad namin dahil may “shoot-to-kill” order ang militar sa anumang makitang gumagalaw o may ilaw sa pagitan ng 6 PM at 6 AM sa mga lugar ng operasyon nila.  Hinarap ko yung punong Heneral ng militar sa Negros at ang sabi niya hinahabol daw nila yung 100 NPA na umiikot sa mga baryo. Sabi ko, “Eh, General, bakit naman binobomba ninyo ang mga baryo na karamihan doon ay mga sibilyan naman ang nakatira?  Asahan ninyo, General, hindi magtatagal, ang hinahabol ninyo na 100 NPA ay magiging 1,000 na dahil sa mga ginagawa ninyo sa mga taong-bayan dito.”  Ilang taon pa, noong si Ramos na ang Presidente, ang kausap kong Heneral ay sumapi sa NPA, diumano’y dahil sinampahan siya ng gawa-gawang kaso at nakabangga niya ang mismong nakatataas sa kanya sa militar. 

Samantala, patuloy rin naman ang aking mga gawaing akademiko, pananaliksik, at serbisyong pampubliko. Maalala ko pa, noong magrekomenda ang komite namin sa DOH na ipagbawal ng gobyerno ang ilang gamot na delikado at hindi naman kailangan, ang komite namin ang tinanggal at hindi ang mga delikadong gamot. Noong panahon ng Martial Law yan. Noong Presidente na si Cory, nagrekomenda ang komite namin sa Pesticide Authority na ipagbawal ang ilang pesticide na matinding makalason, pero ang komite namin ang na-phase-out, hindi ang mga lason. Naging malinaw sa akin na ang mga patakaran ng Pilipinas na dapat sana ay mangalaga sa kalusugan ng mamamayang Pilipino, ay idinidikta ng mga malalaking dayuhang korporasyon at makapangyarihang gobyerno nila, lalo na ang US. 

Ganunpaman, nagsagawa rin ako ng mga dokumentasyon sa masamang epekto ng mga pestisidyo sa kalusugan at kapaligiran at naipalabas ang mga resulta sa media, na naging dahilan ng pagdemanda sa akin ng kumpanya ng plantasyon ng saging na pag-aari ng mataas na opisyal ng gobyerno noong Presidente si Cory. Inaresto ako sa UP College of Medicine ng mga pulis na hindi unipormado at dinala ako sa Camp Karingal sa Quezon City. Nabahala nang husto ang aking panganay dahil baka raw isalbeyds ako. Mga limang oras lang naman akong naging detenido dahil sinaklolohan agad ako ng mga kasamahan kong lider aktibista sa iba’t-ibang sektor, kasama ang human rights lawyer at nakapag-piyansa agad ako. Sunod-sunod na kaso sa korte at sa Professional Regulation Commission o PRC (pintatanggalan ako ng lisensya bilang doktor) ang isinampa sa akin ng magkasanib na pwersa ng grupo ng mga kumpanya ng saging at mga kumpanya ng mga pestisidyo. Tumagal ng 13 taon ang mga kaso sa korte at ang kaso sa PRC ay hindi pa rin tapos. Naranasan ko sa pagharap sa mga kaso ang malaking diprensya ng sistemang panghustisya dito sa ating bansa. Ang mayaman ay napakadaling magsampa ng kaso laban sa kanilang itinuturing na kalaban.  Ang mayaman ay madaling  makakuha ng mga testigo para sa kanila. Sa kaso ko nga, madaling napabaligtad ang salaysay ng aking mga pasyente nang magsagawa ng sabayang pananakot at pagbibigay ng pabuya ang plantasyon. Sa dinami-rami ng mga pasyente ko doon sa plantasyon na nagreklamo noong una, isa lang ang hindi napaatras ng kumpanya na tumestigo para sa aking depensa. Ang isa kong pasyente na pangunahing testigo sana sa aking depensa ay napilitang umalis sa kanyang tirahan ng maraming buwan dahil pinagbantaan daw siyang patayin at bandang huli ay umatras din siya sa pagtestigo para sa aking depensa. May banta rin daw sa akin ayon sa mga community organizers  at tatlong beses akong hindi pinayagang pumasok sa komunidad dahil mayroon daw nag-aabang sa akin na kilala nilang “tirador” o “bayarang mamamatay-tao.”  Masuerte na naman ako dahil hindi ako natiyempuhan ng “tirador.” 

Kaya’t patuloy akong naging aktibo sa mga kampanya laban sa mga pestisidyo at iba pang lason.  Palagi akong natatawag na magsagawa ng fact-finding medical missions sa mga apektado ng pestisidyo at iba pang mga lason sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at sa ibang bansa. Madalas din akong matawag sa mga hearing tungkol sa mga usapin tulad ng ratipikasyon ng WTO, Batas Generics, Herbal Medicine, Human Rights, GMOs, Plantang Nuklear, Plantang Coal, Mga Lason sa Pagmimina, Pagkain at iba pa. 

Naging kinatawan ako sa ilang mga pormasyon kaugnay sa UN (United Nations) tulad ng  Intergovernmental Forum on Chemical Safety (IFCS) at iba pa. Nag-lobby kami sa mga gobyernong kasapi ng UN na mailagay sa treaty ang mga patakaran upang mapangalagaan ang kalusugan at kapaligiran laban sa mga labis na nakalalasong mga kemikal at maipagbawal sa buong mundo ang ilan sa mga mga ito. Nakita ko na kontrolado talaga ng US ang karamihan sa bansa sa mundo at kayang-kaya nilang manipulahin ang UN. Nasaksihan ko ang pam-bu-bully ng gobyernong US sa mga gawaing internasyunal: nagbabanta na babawiin ang “foreign aid” sa mga bansa na hindi susunod sa gusto nila; nagpipilit na buksan uli ang mga usapin na napagdesisyunan na ng kapulungan; nagpipilit na ituloy ang debate kahit wala na ang mga translators dahil mas bentahe sila sa wikang Ingles; at binabawi ang pangako nilang pondong suporta sa mga meeting at mga pormasyon ng UN kung hindi nila nakuha sa mga meeting ang gusto nila. Bagama’t maraming naipagtagumpay ang mga NGOs na mga probisyon sa mga kasunduang internasyunal tungkol sa mga kemikal, pagtatanggol sa kalusugan at kapaligiran, sa dulo ng lahat, nagagawa pa rin ng US na mabale-wala ang mga mabu-buting probisyon sa kasunduan na napakatagal na pinagdedebatehan. Ganunpaman, sa tulong na rin ng mga nakisangkot na NGOs at organisasyong pangmasa , naging armas ang mga internasyunal na kasunduang ito upang maitaas ang kaalaman at kamalayan ng maraming mamamayan sa mundo at upang makapaglunsad ng maraming epektibong pagkilos para mapangalagaan ang kalusugan at kapaligiran sa ating planeta.

Marami pa sana akong gustong ikwento sa inyo, pero masyado na atang mahaba ang aking salaysay. 

Bilang pagtatapos, nais kong ibahagi sa inyo ang aking ginawang tula.

Paano Kita Gagamutin?

Kabayan,

Bakit bansot ang iyong anak?

Matamlay, walang sigla

Mistulang pahutang panat

Ang buhok,

Parang buhaghag na bunot

Ang mata,

Tila holeng nakalubog!

Bakit patpatin ang iyong asawa?

Kay hinay, walang liksi

Mukhang sakitin talaga

Ang pisngi,  humpak

Di tulad noong dalaga

Ang dibdib, luoy

Ni walang gatas na dumaloy!

Ikaw, kabayan,

Bakit mukhang matanda ka na?

Kay ganit ng iyong balat

Parang ibinilad na tapa

Ang katawan mong dati’y mabulas

Ngayo’y umurong, wala nang lakas!

Bakit noong minsa’y dinakip ka ng militar?

Kinulata ng baril, ikaw pa’y tinadyakan

Kinoryente at pinaso, galong tubig ang isinubo

Pagkatapos bugbugin, ikinulong kang walang baro!

Paano kita gagamutin?

Ako ba ay magrereseta

Ng mga gamot na mamahalin?

Nanggaling pa sa Amerika,

Europa at Hapon din.

Subali’t,

Marami naman ang hindi kailangan

Nakalalason, dapat pa nga ay sunugin

Iniluwa na ng ibang bansa

Bakit pa natin lulunukin?

Tunay ngang mapanlinlang

Maysakit na nga at mahirap

Konting pera nais pang huthutin! 

Paano kita gagamutin?

Ako ba ay magpapayo

Na kumain ka nang wasto

Balanseng pagkain dapat na tiyakin?

Panatilihing malinis

Ang bakuran at inumin?

Subali’t,

Para na rin akong kumausap sa hangin

Sa sahod mo, maski tuyo hindi makakain

Walang tinig, walang lakas

Barong-barong ay butas!

Sa pusali at tambakan

Na walang tubig na maasahan

Anong kalinisan ang susulingan?

Paano kita gagamutin?

Dadalawin ba kita

Sa kulungan mong madilim

Gamot sa iyong TB

Dalhan ka’t painumin?

Pahiran ang iyong sugat 

At bigyan ka ng baytamin?

Subali’t,

Wala ka namang sala

Bakit ikaw ay ikinulong?

Sumapi ka lang sa unyon

Nagmartsa ka lang sa kalsada

Dagdag sahod ang sigaw

Bakit inulan ka ng bala?

Paano kita gagamutin?

Nang puntahan kita sa kanayunan

Abahhh! Ako nama’y hinaharang 

Nang samahan kita sa inyong rali

Abahh ! Pati ako’y hinuhuli !

Sa sigaw na reporma sa saka

Sagot ng gobyerno  masaker sa Mendiola !

Paano nga ba kita gagamutin?

Kung ang sakit mo ay salamin

Ng dinuhaging bansa at sambayanan siniil

Walang sapat na pagkain

Gayong yaman ay likas

Hitik sa bunga ang lupain

Walang tahanang marangal

Gayong dito isinilang 

At ang Bayan ay maluwang

Sa hanapbuhay ay salat

Ang sahod, sa bulsa’y di makasayad.

Daan taong tanikala

Pinagtibay ng paniniwala

Hinubog ang kaisipan

Pagpapahalaga sa kanluran

Hinutok ang dila

Sa salitang banyaga

Ipinaghele ng pananampalataya

Karapatang lumaya akala ay sala

Aping-api na nga, nagpasalamat pa!

Ano nga ba ang ugat

Ng iyong sakit, Kabayan?

Bakit mga ganid at banyaga

Ang patuloy na nagpapasasa?

Bakit ang yaman ng sambayanan

Iilan lamang ang nakikinabang?

Bakit kung ikaw ay tumindig

Isinusubsob ka ng maykapangyarihan?

Paano, paano nga ba kita gagamutin?

———————————————

Muli, isa pong malaking karangalan para sa akin ang mabigyan ng pagkakataon na maibahagi sa inyo ang ilang tampok na karanasan na sana’y makapagbigay nga ng siglang-diwa sa ating lahat, lalo na sa kabataan. Marami pong salamat sa inyong pagtitiyaga!