Kalayaan ?
Kalayaan bang maituturing,
Kung mamayan ay hirap
at sa pagkain laging salat
gayong yaman ay likas
at hitik sa bunga ang lupain
Kung walang tahanang marangal
at laging ipinagtatabuyan
gayong dito isinilang
at ang Bayan ay maluwang
Kung sa hanapbuhay ay salat
at ang sahod, sa bulsa’y di makasayad.
sa gamot man o sa ospital
hindi makaya ang magbayad
Kung magsasaka ay nag-iiyakan
at pinapaslang sa bungkalan
sa lupang reporma na inaasahan
sagot ay bala at kamatayan
Kung ang maririnig ay daing
ng Bayang sakitin
at ang sakit ay salamin
ng sambayanang siniil
Kung sa daan-taong tanikala
di tunay na makawala
pinagtibay ng paniniwala
bahala na ang Bathala
Hinubog ang kaisipan
pagpapahalaga sa kanluran
hinutok ang dila
sa salitang banyaga
Ipinaghele ng pananampalataya
karapatang lumaya akala ay sala
aping-api na nga,
nagpasalamat pa!
Ano nga ba ang ugat
ng iyong sakit, Kabayan?
bakit mga ganid at banyaga
ang patuloy na nagpapasasa?
Bakit ang yaman ng sambayanan
iilan lamang ang nakikinabang?
bakit kung ikaw ay tumindig
isinusubsob ka ng maykapangyarihan?
Kalayaan?
Arkyu, 061221
Romeo F. Quijano MD is a retired professor of the Dept. of Pharmacology & Toxicology, College of Medicine, University of the Philippines Manila. He is a lifelong health and environmental activist.