Mabuti nga bang manatili sa bahay
Ang tulad kong dukhang walang hanapbuhay
Ang arawang kita na inaasahan
Nawala lang sukat sa lupit ng lockdown.
Saan nga ba kukuha ng pagkain bawa’t araw
Kundi ako lalabas at gagawa ng paaraan
Ang sabi ng gobyerno may ayuda naman daw
Nguni’t di naman sapat kahit sa aming almusal.
Huwag nyo kaming sisihin sa pagkalat ng covid
Tulad ng karamihan ayaw naming magkasakit
Nguni’t kung sa bahay lang, makipot at maliit
Lalo lang tatamaan ng virus na si covid.
Ang kalagayan namin sana’y inyong makita
Walang sariling saka, lupang mana’y kinuha
Itinaboy ng ganid, imbing kapitalista
Kaya’t kami’y napadpad, iskwater tawag nila.
Kung kami ma’y magprotesta, magmartsa at magreklamo
Ito’y panggigiit lamang ng karapatang pantao
Nais nami’y patakarang makatwiran, makatao
At hindi militarista at pagturing tila aso.
Batid namin ang hirap na inyong dinaranas
Sa serbisyong hatid ninyo sa aming mahihirap
At kami nama’y lubos na nagpapasalamat
Ang tanging sukli nami’y dalanging kayo’y ligtas.
Kung inyong pakasuriin, tayo nama’y magkatulad
Pinagsasamantalahan ng isang sistemang huwad
Mga nagpapakasasa mga mayayamang bundat
Samantalang tayo nama’y sahod laging hindi sapat!
Ano nga ba ang ugat ng problemang pinapasan
Ito bang mikrobyong covid ang natatanging dahilan
At kawalang disiplina nitong mga mamamayan?
O matagal nang kawalan ng hustisyang panlipunan!